Laban! : Bakit? : Limang Taon : About UNIFIL : Contact Us
ITULOY ANG LABAN!
Para sa HK$ 3, 670 minimum na sahod
Hanggang nakataya ang ating kabuhayan at karapatan, tuloy ang laban!
Sa darating na Abril 1, nakatakdang ipatupad ng gobyernong Hong Kong ang HK$400 buwanang kaltas sa ating sahod. Hindi makatao at hindi makatarungan – ito ang ating tindig sa desisyon ng gobyernong Hong Kong.
Inihudyat
ng pagkilos ng lampas 3,000 migranteng mangaggawa noong Disyembre 2 ang ating
panata ng paglaban sa anumang porma ng pagkaltas sa ating sahod sa porma man
ng levy o direktang wage cut. Kasama ng mga Asyanong migrante, inilunsad natin
ang iba’t ibang porma ng pagkilos na tumipon sa ating lakas, mga lokal
na manggagawa, taong simbahan, at mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa
sa ibayong-dagat.
Ang 48,000 pirmang ating nakalap laban sa levy at wage cut, ang makasaysayang pagkilos noong Pebrero 23 na umabot ng 12,000 at ang lakas ng kilusang migrante – ito ang ating sandata sa kinakaharap nating laban.
Ibalik ang HK$3,670 minimum na sahod!
Wala sa atin ang magsasabi na sobra-sobra ang ating kinikita. Maging ang datos ng sarili nating pamahalaan ay nagpapakita na ang HK$3,670 ay hindi sapat sa pang-araw-araw nating pangangailangan.
Sa
yugtong ito ng ating kampanya na nalalapit ang pagbawas sa ating sweldo, napapanahon
at marapat lamang na ating ipaglaban ang pagpapanitili, at kung sakali mang
maipatupad, ay ang pagpapabalik ng ating minimum na sahod na HK$3,670.
Sa loob ng nakaraang limang taon ay pinagtiisan na natin ang ating sahod na nabawasan pa nga ng 5% noong 1999. Sa desisyon ng wage cut, hinila pabalik hanggang sahod ng 1992 ang ating sweldo!
Ngunit higit pa dito, nakasalalay sa pagpapabalik ng HK$3,670 minimum na sweldo ang usapin ng katarungan.
Ito ay usapin ng pagpo-protekta ng kabuhayan ng mahihirap sa harap ng krisis pang-ekonomiya ng Hong Kong. Ito ay usapin ng makataong pagturing sa ating sektor. Ito ay usapin ng hindi pagsasamantala sa bulnerableng sitwasyon ng minoridad na grupo sa lipunan.
Ito ang labang ating isusulong sa lahat ng paraan.
Ang Pagkilos ng Migrante ang Mapagpasya
Limang taon na hindi naglubay ang gobyernong Hong Kong sa pag-atake ng ating sweldo at mga benepisyo sa empleyo. Gayundin, hindi tayo naglubay sa ating pagharap sa mga atakeng ito.
Simula
nang magsulputan ang taunang panukalang pagbawas sa ating sahod noong 1998,
dalawang beses (1999 at 2003) lamang tayo aktwal na nabawasan. Ibig sabihin,
tatlong taon nating nadepensahan ang ating sahod!
Ang ating mga naging tagumpay ay ibinunga ng pagbuhos ng mga migrante sa lansangan upang ipakita ang pagtutol sa mga anti-migranteng patakaran ng gobyernong Hong Kong. Higit kailanman, ito ang ating nararapat na tanganan.
Ang isang malawak at aktibong kilusang masa ang siyang pundasyon ng iba pang mga aksyon na ating ilulunsad. Hindi ba’t mas mapapakinggan tayo ng gobyernong Hong Kong kung libu-libo ang boses na nagpapahayag ng ating sentimyento?
Kinakailangan
ang pag-abot sa pinakamaraming bilang ng migrante, Pilipino at iba pang nasyunaliad,
at paghimok sa kanila upang ituloy ang ating laban. Mga pampublikong porum,
pulong ng mga lider, mga seminar at grupong pang-diskusyon ang ating paraan
upang maiparating sa malawak na bilang ng migrante ang kawastuhan ng kampanya
at ang higit pang kawastuhan ng pagkilos para dito.
Mula sa solidong lakas ng migrante, aabutin din natin ang mga Pilipinong propesyunal, negosyante at mga taong-simbahan. Hindi mapapasubalian ang suportang maaari nilang ibigay sa mga migranteng direktang maapektuhan ng pagbabawas ng sweldo at ng levy.
Gayundin, ang ating sama-samang pagkilos ang magtitiyak ng patuloy na paglulunsad ng pamahalaan ng Pilipinas ng mga aksyong sumusuporta sa ating laban. Hindi ba’t dahil sa ating pagkilos noong 2001 ay “nagising” ang pamahalaan at napilitang umaksyon laban sa wage cut noong taong iyon? Ang maagap na pagtugon din ng gobyerno sa isyu ngayon ay dahil alam nila na kung hindi sila kikilos ay haharapin nila muli ang galit ng libu-libong mga migranteng Pilipino.
Sa kabila ng ginagawang hakbang ng gobyerno upang mapigil ang wage cut, ang laban at ang pamumuno nito ay nasa atin.
Hindi natin dapat lubusang ipaubaya ang ating kampanya sa pamahalaan. Karanasan natin ang nagpakita na tuwina ay nandyan ang panganib na ipakipagtawaran ng gobyerno ang ating sweldo o kung hindi, ay ilagay sa mas lalong peligro ang ating trabaho. Walang nakakalimot sa sinabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001 na ang 5% na wage cut “is a very good input”. Gayundin, noong taong iyon pumunta si Labor Secretary Patricia Sto. Tomas sa Hong Kong “to bargain for a better deal”.
Kung hindi dahil sa maagap nating pagkilos upang kundenahin ang ganitong mga balak, maaaring napasuko na nila tayo sa laban.
Ngayon naman, walang pasintabi ang pamahalaan na nagpatupad ng ban sa pag-apruba ng kontrata ng mga magta-trabaho sa Hong Kong. Ito ang plano na inilalako noon pa ni Labor Secretary Sto. Tomas na paulit-ulit nating tinutulan. Sa Leader’s Forum noong March 2, nakipag-kaisa pa ang Konsulado sa mga migrante na muli ay tumindig laban sa ban. Paano tayo lubusang makakaasa sa pamahalaan na kahit ang simpleng pagtalima sa sentimyento natin ay hindi magawa? Hangga’t gumagawa sila ng mga aksyon na pabor sa interes ng migrante at mamamayan, doon lamang sila dapat suportahan.
Ang kinabukasan ng ating laban ay nasa ating kapasyahan. Ang tagumpay nito ay nasa ating nagkakaisang pagtugon at pagkilos.
Ang hinaharap ng ating kampanya
Mula sa isang malakas na kilusang masa, ilulunsad natin ang iba’t ibang mga porma ng kilos-protesta. Gagamitin natin ang lahat ng paraan para kamtin ang HK$3,670 minimum wage. Ang mga susumusunod ay ilan lamang sa ating mga isinagawa at isasagawa:
ÜPangangalap ng pinakamaraming bilang ng pirma para sa petsiyon sa gobyernong Hong Kong sa pagbabalik ng HK$3,670
ÜPagsasampa ng kaso sa korte ng Hong Kong. Hindi iilang mga abugado at human rights advocates ang nagpahayag ng kagustuhang magbigay-tulong upang kwestyunin ang legalidad ng levy at wage cut.
ÜPaghimok sa Equal Opportunities Commission (EOC) upang ilunsad ang imbestigasyon sa wage cut at levy. Isang malaking tagumpay na ang ating natamo nang i-deklara mismo ng tagapangulo ng EOC na ito ay discrminatory at bumabangga sa mga internasyunal na kumbensyon.
ÜPaghamig ng suporta ng mga lokal na unyon at asosasyon. Maging ang mga lokal na manggagawa, mga matatanda at may kapansanan ay inaatake rin ng walang patumangga. Sa basehan ng paglaban para kabuhayan ay aabutin natin ang pakikipag-kaisa sa kanila.
ÜPagtipon ng suportang internasyunal mula sa mga grupo ng migrante at manggagawa ng ibang bayan. Ang internasyunal na pampublikong opinyon ay lalong magbibigay pa ng katuwiran sa ating hinaing.
ÜPaghahapag ng ating kaso sa mga internasyunal na institusyon tulad ng International Labour Organization (ILO) at United Nations Commission on Human Rights (UNCHR). Gagamitin natin ang mga kasunduang tulad ng International Convention on the Protection of Migrant Workers and their Families at iba pa. Ito ang mga kumbensyon na kung saan ay obligadong pumailalim ang gobyernong Hong Kong.
ÜSustenidong pagtutulak sa ating sariling gobyerno upang palakasin pa ang kanilang lobbying sa gobyernong Hong Kong. Kailangan ang mahigpit at matalas nating pagbabantay sa mga aksyon ng gobyerno upang ating matiyak na ito ay para sa ating interes at kagalingan.
Tuloy ang Laban!
Sa ating nagkaka-isang hanay at sama-samang pagkilos nakasalalay ang tagumpay ng ating laban. Ang pagpupunyagi at determinasyon upang salagin ang anumang atake sa ating sahod, karapatan at kabuhayan ang magtitiyak na makakamit natin ang sweldong HK$3,670.
Ang laban na ito ay para sa atin. Ang laban na ito ay para sa ating pamilya na umaasa sa atin. Ang laban na ito ay para sa mga manggagawa at sa mga mahihirap na pinagkakaitan ng karapatan at katarungan.
Sa harap ng umiigting na atake sa mga migranteng manggagawa, isa lamang ang ating tugon: Tuloy ang laban!
Laban! : Bakit? : Limang Taon : About UNIFIL : Contact Us
United Filipinos in Hong Kong UNIFIL-HK (c)2003