Laban! : Bakit? : Limang Taon : About UNIFIL : Contact Us
Bakit hindi makatuwiran ang HK$400 na wage cut?
Ayon sa gobyernong Hong Kong, ibinabatay nila sa “[1] relevant pay trend and [2] change in the consumer price index (CPI), [3] unemployment rate and labour market situation” ang pagtatakda ng ating Minimum Allowable Wage. Ito ang pamantayan itinakda ng Task Force on Population Policy na nagrekomenda ng levy at HK$400 wage cut.
Ngunit sa malalim na pagsusuri, itong pamantayang itinakda ng gobyerno ay hindi nagbibigay-katwiran sa kanilang desisyon.
ÜKung usapin ng CPI o ang presyo ng mga bilihin sa Hong Kong, bagama’t totoo na may pagbaba ng CPI ayon ng sa ulat ng TFPP, ang mayor na pagbaba na ito ay sa gastusin sa renta at real estate properties. Ito ay gastusing hindi nakaka-apekto sa padron ng paggastos ng mga domestic helper sa Hong Kong. Bagkus pa nga, ang mismo pa nilang mga datos ang nagsabing may pagtaas ng 2.6% ang presyo ng damit at sapatos samantalang 6.15% naman ang pagtaas ng presyo ng women’s underwear – mga mayor na gastusin ng FDH. Maging ang surbey na isinagawa ng Mission for Filipino Migrant Workers noong 2002 ay nagpakita na 66% ng gastusin ng mga FDH ay sa mga negosyo dito napupunta: recruitment agencies, financing agencies, transportasyon, komunikasyon, restawran at mga produktong pang-konsyumer.
ÜBatay naman sa kalakaran ng sweldo ng mga service workers, totoo na bumaba ito ng mula HK$200 hanggang HK$500 kada buwan lalo na sa huling bahagi ng 2002. Ngunit sa una pa lang, hindi na pantay ang sweldo ng mga FDH sa mga lokal na manggagawa. Ang HK$400 bawas sa sweldo halimbawa ng isang cook na tumatanggap ng HK$9,000 kada buwan ay iba sa tumatanggap lamang nga HK$3,670. Ang una ay 4% ng sweldo samantalang ang ikalawa ay 11%. Gayundin, magkaiba ang kundisyon ng mga lokal na manggagawa sa mga FDH na nagtatrabaho ng 16 hanggang 20 oras bawat araw.
ÜMataas ang antas ng disempleyo sa Hong Kong (7.4%). Ngunit ayon din mismo sa TFPP, kinikilala nila ang dalawang magkaibang “pamilihan” sa lokal na DH at FDH. Kung gayon, walang kinalaman ang bilang ng FDH sa bilang ng walang trabaho sa Hong Kong. Bagkus pa nga, mismong gobyerno na rin ang nagsabing may 500,000 pangangailangan ng domestic help sa Hong Kong. Ang kasalukuyang bilang ng FDH ay 250,000 at ang lokal naman ay 30,000. Kung ganon, bakante pa ang 220,000 trabaho para sa iba.
ÜSapagkat mayorya ng FDH ay kababaihan, maliwanag ang pagiging discriminatory ang desisyon. Ito ay kinilala na rin maging ng Equal Opportunities Commission na siyang sangay mismo ng gobyerno na sumusubaybay sa mga polisiyang discriminatory sa kababaihan at sa iba pang grupong minoridad. Maging ang mga lokal na grupo at mga abogado ay nagsabi na rin na taliwas ito maging sa Basic Law ng Hong Kong.
ÜBukod sa mga puntong nabanggit, nilapastangan din ng desisyon ng gobyernong Hong Kong ang prosesong demokratiko na tuwina’y kanilang pinagmamalaki. Paano mo sasabihing demokratiko ang pagbansag kaagad na “final and not open for debates” ang desisyong nakaka-apekto sa isang bulnerableng sektor ng lipunan? Maging ang internasyunal na kasunduan ukol sa migranteng manggagawa ay nagtakda na kapag naka-limang taon pataas na ang isang migrante sa isang bansa, kailangang ituring din sila katulad ng sa lokal na residente.
Walang batayan ang gobyernong Hong Kong para magpataw ng anumang bawas sa
sweldo ng FDH. Sa halip, malinaw ang mga dahilan upang proteksyunan ang kabuhayan
ng mga mahihirap sa Hong Kong, kabilang ang mga migrante, upang maka-agapay
tayo sa problemang pang-ekonomiya na nararanasan ng Hong Kong sa kasalukuyan.
Laban! : Bakit? : Limang Taon : About UNIFIL : Contact Us
United Filipinos in Hong Kong UNIFIL-HK (c)2003