|
Balagtasan:
Kaunlaran O Delubyo?
LAKAMBINI:
Sa makulimlim na hapong ito
buong pusong pagbati ang inihahandog sa inyo.
Layunin ay ihanda kayo
sa balitaktakang pampabilis ng pulso.
Lakambini akong totoo,
kung ayaw ninyong maniwala,
tingnan ninyo ito! (Ituturo ang dibdib)
Lakambining mamamagitan sa
nagu-umpugang bato,
Magpapadaloy, manunulsol,
at siyempre pa, mambubuyo
Kayong mga nakikinig..., diyan lang kayo,
palaparin ang tenga, paganahin ang ulo
Gayundin sa mga isnabera't
walang pakiaalam sa mundo,
Pahingi naman kahit kaunti sa panahon ninyo.
Naririto ngayon, magkatunggaling katoto
Magtatagisan ng galing,
Mangungumbinsi at mang-uuto
Pakinggan sila at tayo'y matuto,
at husgahan sila, sa bandang huli siguro.
Kaunlaran nga ba o delubyo ang hatid ng ating gobyerno?
Iba't ibang usapin ang ngayo'y nakakalito
Halina't tunghayan:
Alin sa sasabihin ang magpapatotoo
Sa aking gawing kanan ang Bb. Kaunlaran
sa akin namang gawing kaliwa ay si
Gng. Delubyo.
Bb. Kaunlaran, Gng. Delubyo,
inyo na ang kalsada, magsabong na kayo!
Bb. KAUNLARAN:
Salamat Lakambini, sa Likas-papaya mong ganda,
Lubos ang aking tiwala Kapag ika'y manggigitna,
Sa pagiging patas ng iyong mga salita,
Meryenda'y ihahain, gantimpala ng iyong bata.
Ako ang Binibining maglalahad sa sambayanan
Ng mga Kaunlarang Isinagawa ng pamahalaan
Baka magkulang ang papel sa inyong mahabang talaan
Ng mga tagumpay, pagsulong at kasaganaan.
Lab ko si Erap at hindi ko 'yan ide-deny
Siya nama'y para sa mahirap,
ang salita niya'y tunay
Ano pa ang hahanapin sa pangulong
mas gwapo pa kay Panday
Kaya't atin nang suportahan
at ihatid siya sa tagumpay!
Gng. DELUBYO:
Para namang nakatitiyak ka sa idolo mong gago
Na kaya niyang paikutin ang ulo ng mga tao...
Lalantad din ang tunay niyang pagkatao,
Pasasaan ba't ang score niya ay zero!
Delubyo ang ngalan ko pero hindi ito ang dala ko
Nagkataon lang na apelyido ng asawa ko'y
tulad ng paghihirap na hatid ng sinasamba mo.
Iisa-isahin ko rin sa 'yo, at pagkatapos ng litanya kong ito,
baka makita kong ika'y nakahandusay diyan,
talunan at nalumpo.
Galit ako kay Erap, at 'yan ay totoo,
Pulos pasakit ang dala nang umakyat sa kanyang pwesto...
sugal, karahasan, kurapsyon.....at kroni-ismo
Patalsikin na yan! At 'yan ang tindig ko!
LAKAMBINI:
Oy, mga kumare, maghinay hinay lang,
Mag-usap tayo nang tuwid at huwag pailanlang
Huwag paakyatin sa ulo ano mang nararamdaman,
argumentong solido ang dapat na ibuyangyang ....
Gng. DELUBYO:
Salamat Lakambini sa paalaala mo,
katotohanan ang dala ko at di lamang argumento
dahil ang usapang ito'y di ang tagisan ng talino,
para sa amin, buhay at kamatayan ito.
Sinong matinong gobyerno ba ang mamamanginoon
Sa mga dayuhang korporasyon ng langis
at magbebenta sa Petron?
Ayun, pamasahe'y tumaas at presyo'y bumangon
Dahil sa lintik na oil deregulation!
Bb KAUNLARAN:
Ikaw naman, Mrs. Delubyo,
baka naman 'di mo naiintindihan
Tumulong na nga si Presidente,
Ginawa niyang installment ang bayaran
Upang sa bulsa ng Pilipino ay medyo gumaan.
Tuwing ang kartel ng langis ay magtataas,
'di ba luluhod pa siya
at mamamalimos ng presyong patas?
Kung gusto nila'y Piso ang itaas,
ipakikiusap niyang kalahati muna ngayon
at kalahati naman bukas ang kaltas!
Gng. DELUBYO:
O 'DI BA BOBO?
Wala namang ibinawas,
nagkunwari pang pipigilan
'yun pala'y isa lamang palabas
Si Erap talaga, Walaaaaang kakupas-kupas
sa pelikula man o sa totoong buhay,
malinaw na balasubas!
LAKAMBINI:
Naku, balasubas?
sobra naman yata ang iyong paratang!
Ano bang masasabi mo Bb. Kaunlaran?
Bb. KAUNLARAN:
That's so sobra! 'Di ba mga kafatid?
At least hindi tayo nabibigla,
may notice na pahatid
Eh 'yan namang mga tsuper
ang tunay na mga hidhid,
kaunting taas lang ng presyo,
taas ng pasahe ang naiisip
Gng. DELUBYO:
Sandali nga, Binibini at ika'y mapigilan,
Ang tanong ko sa 'yo sino ba ang mas yumaman:
ang mga tsuper ba na napasma na sa lansangan
O ang mga korporasasyon ng langis
na tumubo ng bilyon sa kanilang kagahaman?
'Yan ang hirap sa mga sipsip kay Erap
bulag at bingi sa hinatid niyang paghihirap
kahit na nga pumutok, nagsiklab at lumaganap
'yang digmaan sa Mindanao sila ba'y kumurap?
Isandaang Milyong Piso kada araw
ang gastos ng gobyerno
Para atakihin ang mga mamayan sa Mindanao
Presyo ng isang bala'y
katumbas ng isang kilong bigas
Pera ng sambayanan,
remitans ng migrante's winawaldas!
Ang mga kapatid nating Muslim,
pinalalabas na demonyo
Para pagtakpan ang kanilang
panggigiyera nang todo
upang wasakin, supilin, ang pagnanais na ito:
kapasyahan sa sarili ng mamamayang Moro
Hindi pinanghihinayangan ang buhay ng tao
Mapa-Moro, mapa-kristiyano
at maging ng kanyang sariling sundalo
Basta't matuloy lang ang kanyang
"emergency powers"
At mapagbigyan lang
ang classmate niya sa Ateneo.
LAKAMBINI:
Classmate sa Ateneo?
Naku, marami si Erap 'nyan!
"Emergency Powers?"
(pabulong) 'di ba't parang Martial law 'yan?
Naku, Binibini, mukhang wala ka nang daraanan,
mahirap nang ipagtanggiol ang presidenteng ganyan...
Bb. KAUNLARAN:
Alam 'nyo bang TERORISTA ang mga 'yan?
Nambobomba ng mga mall, laban sa kapayapaan
Nangingidnap, Nangho-hostage kapalit
ng ransom
Kung ako 'yan, bakit ko 'yan papayagan?
Gng. DELUBYO:
Ang tinutukoy mo'y ang AbuSayyaf,
gobyerno ang nagbuo niyan
Nagsimulang mga vigilantes,
mala- Tadtad kung manlaban
Inaruga ng militar at kanilang binayaran
tinubuan ng sungay,
ngayo'y sila ang iniisahan.
Tapos ngayon, lahat ay maapektuhan
Sa mata ng militar, lahat ng Muslim ay kalaban
Samantalang katarungan lang naman
ang kanilang ipinaglalaban,
Sino ngayon ang kontra-kapayapaan?
'Yan ang hirap sa idol mong pulpol,
Gangster, berdugo, parang asong ulol
Nagkukunwaring siya'y nagtatanggol
'yun pala'y kontra-mamamayan mula't-sapol.
LAKAMBINI:
Hinahamon ang idol mo, Binibining Kaunlaran
Speechless ka 'ata, baka gusto mo nang mamaalam....?
Bb. KAUNLARAN:
Hrrrmm...Natuyuan lang ako ng lalamunan...
hindi totoo ang iyong paratang
Action-President nga 'yan...mabilis tumulong sa mga nangangailangan
Mapa-bagyo, mapa-baha, mapa-bulkan,
maging sa Payatas, siya ay nand'yan!
Siyempre, hindi niya kayang
sakuping lahat ang problema ng bayan,
Dadalawang taon pa lang naman siya, baka naman pwede ninyo siyang
pagbigyan
Bigyan ng pagkakataong
patunayan ang buo niyang kakayahan.
Tingnan 'nyo naman,
VFA ay kanyang inaprubahan
upang ipagtanggol ang mga mamamayan,
Nilegalisa ang sugal bilang sagot sa kahirapan,
Sinalba ang PAL ng kanyang kaibigang
si Lucio Tan
at ngayong taon,
"Year of the OCWs" binansagan!
At ilan lang 'yan...Hirit ka pa diyan?
Gng. DELUBYO:
'Tamo, Ikaw na rin ang
nagbanggit ng katotohanan
mas pinapaboran niya
ang kanyang mga kaibigan....
O, o, hwag kang ganyan....
Mapa-Marcos, mapa-Cojuanco,
at lahat ng mga Tan
ay hindi niya mapahindian.
"The more, the merrier", 'ika niya,
Paramihin ang cronies, mabuti raw sila
Eh 'di pumunta na lang sya sa Manila Zoo,
At doon ay maraming buwaya
Bilyun-bilyon ang remitans na ipinadadala
pero ang kabuhayan..... patuloy na nasasalanta!
Palitan ng dolyar, ngayo'y 45 Pesos na,
pero wala pa rin tayong nahihita!
Bb.KAUNLARAN:
Aba, at masama pa pala ang loob nila,
Eh 'di nga ba dumami naman ang salapi at kwarta?
Itanong mo sa mga migranteng kumikita,
Garantisadong doble-doble
ang palit ng kanilang kwarta
LAKAMBINI:
Oo nga naman, bakit hindi ka na lang magparaya
huwag mong sabihing hindi ka rin gumaganansiya
'Di ba't tumatanggap ka rin ng remitans nila?
Eh di pwede ka nang mamuhay nang parang donya!
O baka naman..... hindi ka marunong humawak ng pera?
Gng. DELUBYO:
Kung limpak-limpak na salapi
ang hawak ng KongYan
hindi na sana nauubos ang day-off
sa dami ng sideline
dumarami nga ang pisong
ating nahahawakan,
presyo naman ng bilihin
ay di 'nya kayang sabayan
Kaya naku, Binibini, mag-ingat ingat ka
at sa harap mo'y mga migranteng
nakikinig at nakakakita
kung lahat ng iyan,
pamilya'y nagiging don at donya
sana'y 'di na sila nagtitiis
magkudkod pa ng kubeta
LAKAMBINI:
Bb. Kaunlaran, pagsagot ay bilisan
baka tagapakinig ay mainip
ikaw ang mapag-initan
Bb. KAUNLARAN:
Ay, ang tao naman ay walang kasiyahan!
Sasabihin ang lahat basta may mapagbintangan
Nagdadahilan lang kayo sa inyong katamaran
Inggit lang kayo dahil masisipag ay yumayaman
Gng. DELUBYO:
Tunay ngang masisipag silang naturingan
sa pangungulimbat mula sa kabang-yaman
pati pera ng sweepstakes kanilang kinukupitan
ambulansiya at trak ng bumbero
natipon sa San Juan.
Bb. KAUNLARAN:
Tingnan 'nyo tong si Mrs. Delubyo
kung magsalita ay parang totoo
Ganyang-ganyan ang komunista kung umupak sa gobyerno
Bahala na kayo kung papalakpakan ninyo
Gng. DELUBYO:
Binibini, napanawan ka na yata ng katinuan
Para kang sirang plaka, lumang tugtugin na yan
Kung popularity rating ni Erap ang pagbabatayan,
Aba'y komunista na ang maraming mamamayan!
Bb.KAUNLARAN:
Siguro'y alagad ka ni Cardinal Sin
Kahit Pangulo'y nagtitika,
ayaw pa ring patawarin
Ano pa ba ang gusto ninyong gawin,
lumuhod pa 'sya sa munggo o asin?
Gng. DELUBYO:
Sabihin mo kay Presidente, siyay magpakatotoo
nagpapanggap pang hindi siya babaero
iniwan daw ang sugal, alak at bisyo
'yun pala'y dinagdagan pa, on-line bingo at lottoAnong pagtitika
ang pinagsasasabi mo?
Gusto pa 'nya'y tsokaran 'nya tayo
LAKAMBINI:
Panahon na sigurong pagulungin nang todo
'tong debateng nakakasakit ng ulo
Posisyon ng bawat isa'y ibigay nang klaro
kaunlaran nga ba..o pulos delubyo?
Bb. KAUNLARAN:
Kaunlaran, kasaganaan!'yan pa rin ang tindig ko
Talagang para sa mahirap ang gobyernong ito
Gng. DELUBYO:
Favorite nga kami ni Erap, 'yang Presidente mo
Paghihirap at konsumisyon
sa ami'y laging ibinabato
Bb. KAUNLARAN:
Si Erap ay tapat at matinik sa negosyo
iaahon ang ekonomiya
Ng bansang Pilipino
Gng. DELUBYO:
Tapat si Erap sa mga Kroni nito
Ang laging may pabuya, mga classmate niya sa Ateneo
Bb. KAUNLARAN:
Gwapo naman si Erap, ah!
Gng. DELUBYO:
Lokohin mo ang lelang mo!
Bb KAUNLARAN :
Naku, ginang, huwag kang masyadong magmagaling;
Baka matulad ka sa "Kuratong Baleleng"!
Gng. DELUBYO:
'Yan, ganyang ganyan... Asal ng iyong pangulo
kapag napikon, nananakot, o bala agad sa sentido
Bb. KAUNLARAN:
Ah basta, Kay Erap pa rin ako!
Macho, gwapo at lalaking totoo!
Gng. DELUBYO:
Eh di isaksak mo siya sa baga mo
Magasama kayo hanggang sa impiyerno!
LAKAMBINI:
Bago pa ito umabot sa sabunutan
Kailangan na yata natin silang husgahan
Huwag na nating hayaan pang
abutin tayo ng hapunan
Tayong mamamayan ang may kapasyahan
Panig ba kayo kay Donya Kaunlaran?
O na kay Ginang Delubyo
ang panig ng katotohanan?
Suriin ninyong mabuti sarili ninyong karanasan,
Naghatid na nga ba si Erap ng kaluwagan?
Dalawang taon siyang nanungkulan,
buhay ba natin ay tunay na umalwan?
O baka naman tayo'y nalublob lalo
sa kumunoy ng kahirapan?
Kung ang inyong lingkod ay pahihintulutan,
Lakambini man ay may pinapanigan
Sa usaping ganito
walang pwedeng nakatunghay lang
Bawat isa sa atin ay may pananagutan!
Kahit sa ganda kong ito ay hindi ko maiwasang
kumulubot ang mukha dahil sa kainisan
Ako'y dating manggagawa
napilitang mangibang-bayan
Dahil sahod ay di sapat sa kumakalam na tiyan
Ngunit kahit sa ibang bayan, hindi ka tatantanan
Sa dami ng singilin at buwis ng pamahalaan
Paano ang pamilya na aking iniwanan
Masakit mang sabihin, biktima rin ng kahirapan.
Kaya't ngayo'y ating gagawaran
Si Ginang Delubyo ng korona ng katapatan
Hindi siya natakot na magsalita at lumaban
upang ipangtanggol ang interes ng sambayanan
Ngunit may gantimpala rin kay Bb. Kaunlaran
dahil sa dami ng kanyang
sinabing kasinungalingan
dapat sa kanya'y sabitan ng tansan
takip ng San Miguel, produkto ni Lucio Tan!
At para sa inyong mga inampalan,
hayaan nyong kayo'y aking pasalamatan
lubos ang aking tiwala sa inyong kapasyahan,
Mangyayari ring mapatalsik......
si Erap sa Malakanyang!
Sisigaw:
(Sobra nang pahirap, patalsikin si Erap!)
WAKAS.
Ika- 22 ng Hulyo 2000
|
|
 |
| |
| Search
our site:
|
| |
| |
| |
|