|
Nagkakaisang Tinig ng Kababaihan sa Loob at Labas ng Bansa:
TAMA NA! SOBRA NA!
PATALSIKIN SI ERAP!
Sa araw na ito ng Pandaigdigang
Araw ng Kababaihang Anak Pawis, ginugunita natin ang mga migranteng
kababaihan na nagsasakripisyo sa ibang bayan upang buhayin ang mga
pamilyang naiwan sa Pilipinas. Atin ding ginugunita ang mga migranteng
dumanas at kasalukuyang dumaranas ng paghihirap at pagsasamantala
sa mga bansang kanilang kinaroroonan.
Ang tala ng kanilang
buhay bilang mga migrante at bilang kababaihan ay mahigpit na karugtong
ng litanya ng pang-aapi at pangangalakal ng mga kababaihan at mamamayan
sa Pilipinas.
Araw-araw ay 4 hanggang
6 na bangkay ang dumarating sa Pilipinas at ang karamihan sa kanilay
kababaihan. Bawat araw din ay maraming kababayanan natin sa ibat-ibang
bansa ang nagiging biktima ng mga karahasang tulad ng rape, pinsalang
pisikal at mental at pagpaslang.
Dito lamang sa Hong Kong,
nasaksihan natin ang marahas na pagpatay kay Glenda Giron-Lorio
sa mismong OWWA Shelter, ang mga kahina-hinalang kamatayan nina
Elena Masinaring, Edna Pojas, Grace Coloma, Maritess de Cardo, Heidie
Juperatum at Esperanza Constantino na magpahanggang sa ngayon ay
hindi nagkakamit ng ganap na hustisya. Bagkus, pagsasawalang-kibo
mula sa mga opisyal ng pamahalaan ang ating nasaksihan.
Ang mga ganitong pangyayari
ay hindi lamang sa Hong Kong nagaganap. Kasalukuyang nakakulong
si Myrna Baluyot sa Kuwait nang walang malinaw na kadahilanan; misteryoso
ang pagkamatay ni Felicidad Til Adan at Ely Rose Miguel at ang panggagahasa
kay Doris P. sa Taiwan; hindi sumasahod ang mga kababayan natin
sa Jubail (Saudi Arabia); stranded ang mga narses at doctor Libya.
Marami pa ang hindi napapabalita man lamang.
Marami sa ating mga kababayan,
tulad ng pamilyang Sison, ay na-pwersang lisanin ang ating bansa
dahil sa nagbabantang karahasan ng military dulot ng kanilang paglaban
sa bulok na sistema ng bansa. Mula pa noong panahon ni Marcos hanggang
sa ngayon ay maraming mga "political refugees" ang nakakalat
sa ibat-ibang mga bansa at tulad din natin, silay mga
migranteng patuloy na inaatake ang karapatan.
Matapos tayong ibenta
ay parang mga basahan tayong pababayaan sa mga bansang ating kinaroroonan.
Ang masahol pa, patuloy tayong pagkakakitaan sa pamamagitan ng ibat-ibang
bayarin na hindi naman natin pinakikinabangan. Balewala sa gobyerno
kung karamihan sa atiy maging "undocumented". Hindi
mahalaga kung wala tayong proteksyon. Ang mahalagay tuloy
ang daloy ng dolyar at remitans na sumusustento sa naghihingalong
ekonomiya ng Pilipinas.
Halimbawa nito, itinaas
pa ang singilin ng travel document at ID sa mga kababayan nating
nagsisiuwi galling sa Japan dahil sa bagong batas na magpapataw
ng malupit na kaparusahan sa mga "undocumented workers".
Ang pag-cancel ng passport na hawak ng mga pautangan ay isang malaking
negosyo ng konsulado sa Hong Kong. Mantakin mong sa halip na ang
mga pautangan ang kanilang tugisin, tayo pang mga migrante ang mapipilitang
bumili ng bagong pasaporte sa mas mataas na halaga. Sa halip na
tulungan tayo, sinamantala pa ang ganitong kalagayan upang tayoy
pagkakitaan.
Ang gobyernong Estrada
at kanyang mga patakaran ay ang pangunahing nagbebenta ng kababaihan
sa labas ng bansa at nangangalakal ng migranteng Pilipino. Ang kanyang
administrasyon ang nagluluwas ng humigit kumulang sa 2,000 Pilipino
bawat araw at 60 porsyento nito ay kababaihan. Dahil sa kinukunsinteng
"mail-order-bride" na iskema, may tinatayang 148,074 na
Pilipina ang lumabas ng bansa bilang kasintahan o asawa ng dayuhang
nasyunal, mula 1989 hanggang 1998.
Mas masaklap pa, hindi
ligtas ang ating mga pamilya at mga kababayan sa Pilipinas. Dahil
sa tumitinding kahirapan sa ilalim ng administrasyon ni Erap, siguradong
darami pa ang migranteng Pilipino na malalagay sa matinding kapahamakan.
Mantakin mong simula
1999 hanggang sa ngayon ay walong ulit na tumaas ang presyo ng langis!
Dahil dito ay lalong nagmahal ang halaga ng mga bilihin. Nang humingi
ang mga manggagawa ng dagdag na P125.00 sa minimum na sahod, para
silang mga pulubing nilimusan ng P5 hanggang P25 lamang. Sinabayan
pa ito ng pagtataas ng matrikula sa 288 pribadong kolehiyo at unibersidad
na nagresulta ng malaking bilang ng mga hindi makapag-aral.
Anong kinabukasan, kung
gayon, ang ating natatanaw sa pamumuno ni Estrada? Iisa lang ang
sagot ng mayorya ng kababaihan sa loob at labas ng bansa: WALA!!!
Ano ang dapat gawin sa
pangulong inutil at pasakit sa mga kababaihan, kababayan at mamamayan
sa loob at labas ng bansa? Iisa ang isinisigaw ng migranteng kababaihan
at ng sambayanang Pilipino TAMA NA! SOBRA NA! PATALSIKIN
NA!!!
Ang kasalukuyang lumalakas
na pagtutol at paglaban ng mga kababaihan at ating mga kababayan
ay dapat nating suportahan dahil ito ay laban din natin. Kung nais
nating wakasan ang malawakang pagbebenta at pangangalakal sa mga
kababaihan at mamamayan, kailangang ang matapang na pagtindig para
sa ating karapatan at kagalingan. Kung nais nating bigyang-wakas
ang sapilitang migrasyon, kailangang lumahok tayo sa malawakang
kilusan para sa pagbabago.
|