main Campaigns Resourcess Forums Gallery Links Contact Us  
About MFMW

 

 

     
Campaigns: National Issues    


Ang Pagtataas ng Presyo ng Langis ay Pagwasak sa Kabuhayan ng Mamamayan ng Kartel ng Langis at Gobyernong Estrada!

Tumaas na naman ang presyo ng langis!

Muli na namang itinaas ang presyo ng langis ng oil cartel sa Pilipinas (Petron, Shell at Caltex). At muli na namang iniligtas ng gobyernong Estrada ang mga ganid na ito.

Talagang walang konsensya ang mga higanteng korporasyon ng langis. Dadayain pa nila ang istatistika upang palabasing sila ay nalulugi habang tuloy-tuloy ang pagkamal nila ng dambuhalang tubo. Walang pakundangang isasabay ang pagtaas ng presyo ng langis sa panahon ng matinding krisis ng mamamayan. Lalong hinahagupit ang kabuhayan ng mga mahihirap maging ng mga relatibong nakakaangat sa buhay. Katumbas nito ay ang pag-agaw sa pagkaing sana’y isusubo na lamang ng mga mahihirap na pamilya.

Sa dikta ng IMF at World Bank, itinulak ng gobyernong Estrada ang deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon. Sunod-sunod na oil price increase ang kinahantungan nito. At para pasayahin pa ang mga dayuhang amo nito, ginawang pribado ng gobyerno ang Petron. Lalong naghari ang kartel ng langis na kontrolado ng mga dayuhang monopolyo-kapitalista sa pangunguna ng Estados Unidos. Ipinagpipilitan ng pamahalaan na makabubuti ang deregulasyon ng industriya ng langis sa mamamayang Pilipino. Subalit ang kartel naman ang nakinabang.

Ang pagtaas ng presyo ng langis ay isang deklarasyon ng digmaan laban sa kabuhayan ng maralita. Nangyari pa ito sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, ng mahigit 13% unemployment rate, pagbawas sa kita ng mga manggagawa at pagtaas ng pamasahe dulot ng bagong Road Users Tax, pagtataas ng hindi bababa sa 20% sa service fee ng gobyerno, at iba pang mga hindi makataong iskema ng gobyernong Estrada.

Higit pa rito, gusto pang patawan ng gobyerno ang mga migranteng Pilipino ng mga bagong bayarin. Sa pamamagitan ng OWWA Resolution 99-016, gagawing taunan at sapilitan ang paniningil ng US$25 (HK$200.00). Nais pa ng B.I.R. na pagmultahin ng P1,000 ang mga migranteng hindi makakapag-file ng income tax exemption.

Kaysa pagtaas ng presyo ng langis at pag-dagdag sa mga buwis, mas dapat igiit sa gobyerno ang pagtaas ng P125 kada araw sa sahod ng mga manggagawa at P3,000 kada buwan sa sweldo ng mga empleyado ng gobyerno.

Kung hindi rin lang mapipigilan ng gobyernong Estrada ang mga dambuhalang korporasyon ng langis at hindi rin mabigyang proteksyon ang kabuhayan at karapatan ng mamamayang Pilipino, dapat na siyang umalis sa pwesto.

Kung digmaan ang kaniyang gusto, digmaan ang ibibigay natin sa kaniya, kung gagayahin natin ang mismong sinabi ni Presidente Estrada. Dahil ang mismong buhay ng ating mga pamilya ang nakataya, titindig tayo at lalaban. Nananawagan kami sa lahat ng makatwiran at makataong migranteng Pilipino na suportahan ang lahat ng kilos protesta laban sa bagong pagtataas ng presyo ng langis.

 

NO TO OIL INCREASE! YES TO SALARY INCREASE!

IBASURA ANG OWWA RESOLUTION 99-016!

IBASURA ANG BIR MEMORANDUM!

MAG-RESIGN KA NA, PRESIDENT ESTRADA!

United Filipinos in Hong Kong

6 July 2000

 
 
Search our site:
advance search
 
 
 
     
Back to top    
     
1995 - 2001 (c) copyright
The Mission for Filipino Migrant Workers (HK) Society
e-mail: mission@migrants.net
website: http://www.migrants.net